After Ten

Sige na tawa na….alam mo namang hindi ako makatagal nang hindi ka nakikitang tumatawa eh.

Panay ang kulit mo sa akin kanina. Baket nga ba ako nagalit? Ah, tama. Naiinis nga pala ako sa’yo kase may pinapakuha ako sa’yo sa salad bar pero ayaw mong tumayo at sinabihan mo pa akong ako na lang ang kumuha dahil kaya ko naman. Hindi na ako umimik noon, at hindi na din ako tumingin sa’yo. Gusto ko na ngang lumipat ng ibang table sa sobrang inis eh.

Eh ano naman kung kaya kong kumuha ng kropek sa salad bar ng mag-isa? Eh ano naman kung ako ang mas malapit sa salad bar? Eh naglalambing lang naman ako eh at saka sus ko naman dapat naman magpaka-gentle man naman sya. Nakakainis naman talaga.

Siguro mga twenty minutes na hindi pa din ako umiimik. Napansin ko kalahati lang ng teriyaki beef nya ang kinain nya. Tumayo sya, sabay punta sa salad bar. Hmmm, ikukuha kaya nya ako ng kropek? Hindi… kumuha pala sya ng dessert. Dessert nya lang yun ha. Naku nakaka inis talaga.

“Gusto mo?” tanong nya sa akin.
Hindi pa din ako umuiimik.
“Ano bang kinakagalit mo? Yung kropek? Kumuha ka na kase. Ang lapit lapit ayaw mong tumayo dyan.” medyo painis nyang sabi.
Silence.

Mga five minutes pa ulit ng katahimikan, siguro hindi na nya kinaya.
“Ano bang gusto mo? Yung kropek? Sige kukuha na ako”
“Hindi na wag na, busog na ako.” walang ka feelings feelings kong sinabi.
“Sige na kukuhanan na kita.”
“Ayoko na nga eh busog na nga ako. Kung kukuha ka ikaw na lang ang kumain.”
Buntong Hininga.
“Baket ba palagi ka na lang nagpapa suyo? Nakakapagod na ‘tong palaging ganito ah.” wala namang galit sa boses nya , frustration meron.
“Hindi naman ako nagpapasuyo sayo ah, hindi na nga lang ako nagsasalita eh.” sabay irap ng mga mata.
“O sya sige na, anong gusto? Kropek? O kukuha na.”
“Sinabi nang ayoko eh, ang kulit.”

“Ano ka ba naman Kate? Hanggang ngayon ganyan ka pa din? Hindi na tyo mga bata. Hindi ka na dapat palaging nagpapasuyo at palaging nagtatampo. Sampung taon na tyo ganyan ka pa din.”

Alam kong tama sya pero hindi pa din ako nagsasalita. Kakainis talaga pag tama sya. Hay.

Pinabalot na nya ang mga natira naming pagkain. Kinuha nya ang bill, at sabay kaming tumayo para magbayad sa counter.

“Tawa na. Alam mo tinira ko talaga yung teriyaki beef para sayo, alam ko naman gusto mo yun eh.”
Deadma pa din.

“Sige na tawa na….alam mo namang hindi ako makatagal nang hindi ka nakikitang tumatawa eh.”

Hindi ko na napigilang mapangiti.

“O ayan, peace na tayo ha. Nabusog ka ba?” sabi nya habang aktong inaakbayan nya ako.
“Oo.”

Leave a Reply